OPM is alive!
Gusto kong sabihin ng simpleng-simple kung papaanong buhay ang OPM. Ang original Pinoy music, ang musikerong Pinoy, ang tugtugang Pinoy. Gusto kong ihagis lang, maglista ng mga pangalan ng mga musikerong patuloy na nagsusulat ng mga kantang original, mula kay Cynthia Alexander hanggang kay KC Concepcion, mula kay Barbie Almalbis hanggang kay Kitchie Nadal. Gusto kong basta ilista ang mga bandang gumagawa ng original na kanta, mga musikerong nag-gi-gig mula 70’s Bistro at Conspiracy sa Quezon City hanggang sa 19 East sa Las Pinas, umiikot sa mga probinsya para mag-promote ng CD, nagma-mall-show, nagtiya-tiyaga sa kakarampot na panahong nabibigay sa kanila ng iilang TV show, nagtiya-tiyagang kumanta kasama ang mga non-singers pero big stars ng bawat panahon. Gusto kong sabihin lang na kapag nakikinig ako ng radyo napapatigil ako sa boses ni Eric Santos, at memorized ko ang album ni Cathy Go, at gustong-gusto ko ang Q-York, at kanina lang may nag-revive na pala ng “Kay Palad Mo” na mabilis kong na-recognize bilang original na kinanta ni Lilet nung bata pa ‘ko.