Pakendengkendeng pa si Kulas
Diyaryo Filipino 9 Mar 1990
Bow ang beauty ko sa kalawang macho ng Pinoy TV: si Atty Jose Mari Velez ng Velez This Week sa Siyete, at si Leo Martinez ng Mongolian Barbecue sa Trese, na kaytatapang pala’t kaylalakas ng loob. Wala silang takot sa Kanô, e ano kung i-blacklist sila ng US embassy at mga kumpanyang multinasyonal, okey lang sa kanila. Mas mahalaga kasi ang sariling bayan, at kailangan nang manindigan, kundi hindi’y iisahan, lalamangan, lolokohin na naman tayo ng mga banyaga.
Umeksena si Martinez bilang kongresistang “anti” o kontra sa US bases. Inip na inip na siyang mapaalis ang mga base militar sabay mapalayas ang mga “Yankee ng ina nila” na ang trato raw sa ating bayan ay timpong kerida lamang(isa sa marami) na mukhang pinagsasawaan na, na hindi na kasi singyaman at singyumi ng dati – kaya lalo pang binabarat – pero ayaw namang bumitaw nang tuluyan. Saan nga naman sila makakatagpo ng isa pang bayang kayganda na ng lokasyon ay kaydali pang utuin – kahit sa kondisyong “unhampered military operations” ay pumapayag!
“Irreverent” ang banat ni Kinatawan Leo; kung pagtawanan at lait-laitin ang Kano ay ganoon na lang – tipong mas matindi, mas mainam – inawitan pa nga niya ng Andyan ka na naman… a la Gary Valenciano. Totoo, di ba, andyan na naman sila, poporma-porma na naman,pakendengkendeng, ipinangangalandakan ang kanilang datung at lakas-militar, baka kasi nakakalimutan natin.
Kaya tamang tama rin ang ang drama ni Atty. Velez noong Huwebes, noong nag-one-on-one sila ni US Ambassador Nicolas Platt tungkol sa mga base militar. Kakaiba sa dati ang dating ni Velez, wala yung pagbubusisis maya’t maya sa lapat ng amerikana niya, at wala rin yung pasulyap-sulyap sa TV monitor para tiyaking oks ang itsura niya, tipong nakalimutan ang sarili, masyado kasi ang pagkakapako ng kanyang atensiyon sa pinagsasabi ng Kanô, sabay ismid at taas ng dalawang kilay.
Siyempre wala namang sinabing bago si Platt dahil ganyan talaga ang estilo ng Embahador, maingat na maingat, pilingpili ang salita, nang di malagay sa alanganin ang pamahalaang Bush at, gayon din, nang di lalong uminit ang ulo ng Pinoy, nang mahimasmasan, ika nga.
Ngunit pinahirapan siya ni Velez. Hindi umubra kay Velez ang pa-epek ni Platt tungkol sa espesyal na ugnayan ng Amerika’t Pilipinas, halimbawa, at tungkol sa “best efforts” (talagang “best” na day yon, o) at kung anuano pang patutsadang lumang tugtugin na, kaya wa-epek na. Ang ginawa ni Velez ay tinutukan ng tanong si Kulas, hindi basta pinalusot ang mga palusot nito; panay ang hingi ni Velez ng higit na maliwanag na paliwanag, sabay giit sa pananaw ng Pinoy, sabay diin sa mga probisiyon sa kasunduang hindi pabor sa Pilipinas.
Binabawi ko ang sinabi ko noong isang linggo na wala na yatang tataray pa kay “Taas-kilay” Platt. Di hamak na mas matataray sina Velez at Martinez. Mabuhay sila!