Sugal gawing legal
Diyaryo Filipino Oct1989
Aliwan page din lang ito, pag-usapan natin ang iba pang aliwan ng Pinoy bukod sa pultika’t showbiz. Itong sugal, halimbawa, na pilit na ipinagbabawal ng batas. Sabi raw ni Senador Jovito Salonga, matapos i-aprub ng senado ang isang bill na naglalayong bumuwag sa lahat ng casino by 1992 (Globe Oct 14), “. . . Our nation can never achieve greatness unless we encourage our citizens to embrace the ethics of hard work, honest toil, self discipline and sacrifice – not the temptation of instant wealth . . .”
Hmmm. Ewan ko rin. Ako kasi ay nagsusugal paminsanminsan. Tatay ko ang nagturo sa aming magkakapatid ng larong mahjong, 13 yata ako noon. Sa asawa ko’t mga bayaw naman ako natutuong maglaro ng blackjack, pusoy, pekwa, poker, betobeto, high-and-low, at roulette, at sa Tiaong (Quezon) ako natutong tumaya sa jueteng. Dati madalas at malakas kaming magsugal magkakaanak (miron na lang si erpat), kung hindi mahjong, blackjack, naeeskandalo na nga si ermat dahil hindi naman kami pareparehong madadatung, no? Tapos ang dami na ring mga kai-kaibigang dumadayo, nabalitaang masaya’t malakas ang labanan, e di siyempre naiba na rin hung timpla, hindi na friendly, talutalo na. Di nagtagal, natauhan kaming mga misis at itinigil muna namin ang get-togethers. Ngayon, madalang at mahina na kaming magsugal, maliban kung nasa Baguio kami, hindi maiwasan yung casino, kahit sandali, trip lang, manalo o matalo.
Sa palagay ko, itong hilig at abilidad ng tao sa sugal ay depende sa karma ng bawat isa – merong mahilig, merong hindi. Tulad din ito ng hilig at abilidad sa sex, o sa musika, o sa sports, hindi basta-basta mapipigil, may sarili kasing puwersa, at nasa bawat isa kung hanggang saan pagbibigyan angudyok. At nasa sa karma rin yung malas o suwerte sa sugal. Meron talagang ipinanganganak na suwerte, mayroon namang malas, pagdating sa risk-taking, at mayroon ding pabawi lang parati. Siyempre, ang dumadayo madalas sa pasugalan ay yung suwerte’t pabawi, pero meron ding mas malas kaysa suwerte, at sila ang pinoproblema ng iglesiya’t simbahan, at ng mga moralista kuno.
Problema raw itong mga sugarol na nasisira ang ulo at buhay at pamilya dahil sa sugal, nawawalan kasi ng kontrol, pati pang pagkain ng pamilya’t pangmatrikula ng anak ay napapakialaman, umaasa kasing makakabawi,makakajackpot, makapag-uuwi ng lmpak-limpak na salapi, na bihirang mangyari, kaya merong nagpapakamatay, meron ding nagbebenta ng droga’t babae, makaipon lang nga pampuhunan. Sey ko naman, iilan ang nagkakaganyan, at karaniwan ay kabilang sila sa malalakas tumaya.
Higit na maraming Pinoy na sugarol ang marunong namang magdala, marunong umayaw, marunong matalo, okey lang, dahil hindi lang naman yung “instant wealth” ang habol nila kundi yun ding sarap at excitement ng mismong paglalaro. Libangan, ika nga, pagkatapos ng trabaho. Ewan ko kung bakit sila ang iniiiwas ng pamahalaan sa mumurahing dibersyon at pinagdadamutan ng kahit karampot na pag-asa.
Pustahan tayo, hindi uubra yang mga batas na yan. If anything, titindi lang lalo ang problemasa illegal gambling. Kung bakit kasi hindi pa gawing legal ang sugal. E di sana mareregulate at mamomonitor na ang mga pasugalan na tinatangkilik ng publiko. E di sana matitigil na ang pagdadatung ng gambling lords kung kanikanino, gobyerno na mismo ang dadatungan by paying taxes. E di may pag-asang mabawasbawasan ang ating kauutang at kapapalimos ng foreign aid. O di ba?