In denayal

Lem Garcellano

Walang kinulimbat na bilyon-bilyong dolyares na halaga ng ginto, salapi, alahas ng bayan,
dineposit sa Switzerland, Cayman

Walang gubat na kinalbo, bundok na pinatag, kapatagang nilubog sa tubig, kinamkam na yaman, ng lupa, ng laman ng kalikasan, pansuplay sa pangangailangan ng mga banyaga

Walang nangumisyon sa mga paggawa ng kalye, ng dam, ng nukleyar reaktor na babayaran ng ating mga anak, apo, at silang hindi pa isinisilang

Walang nameke ng medalya, ng war exploits,
wala ring Nalundasan assassination

Walang nang-agaw ng asawa ng may asawa, nagpasalvage sa nangutya sa anak, nagunsinti
sa anak na feeling royalty sa London-New York-Singapore, mga bagong oligarko sa pandarambong sa yaman ng bayan

Walang gumahasa sa mga starlet, nakipag-duet kay Dovie Beams, nagpa-Party days on end sa RPS Pangulo

Walang nagdetini sa kaaway sa pulitika, negosyo, babae, sa mga Miss Universe, Miss World, Miss International

Walang nakinabang na ka-alyadong heneral, pulis, sundalo, negosyanteng Intsik, Amerikano, Hapon, Espanyol, Simbahang Katoliko, Iglesia ni Kristo

Walang babae at lalaking nireyp, binurat ang puwet at puki, sinalaksak ng tubo, at walis tingting, kinapon, nang pagsawaa’y tinapon sa balon

Walang pinitpit ang bayag, kinoryente ang titi, pinaupo sa yelo, nilalaslas ang tinggil, utong, ilong, plinantsa ang katawan

Walang dinukit ang mata, ginilit ang lalamunan, nilaplap ang katawan at pinatakbo sa kagubatan

Walang nagprotesta sa kalye, binomba ng tubig na de-kolor, inarmalayt, kinulata ng kwarenta’y singko, tinuktok ng yantok

Walang nakipag-buno sa Metrocom sa Mendiola, dinukot sa araw, sa gabi, sa lansangan, sa bahay, sa eskwela, sa simbahan

Walang pinako sa puno, sinunog ng buhay sa Mindoro, sa Samar, sa Leyte, sa Bulacan, sa Cordillera, sa lahat ng sulok ng Pinas

Walang peryodista, lider ng unyon na binusalan ang lalamunan, ginupit ang dila, pinasakan ng diyaryo, pinutol ang kamay

Walang binulag na aktibista, sinalkasak ng balisong ang taynga, inihaw, kinain ang puso, atay

Walang magsasaka, mangisngisda na tiniba na parang saging, tinusok ng kawayan, bananakyu sa krus

Walang anak, manunulat, manunula, na naglahong parang utot, di matagpuan, ni masinghot ang lamang nabubulok

Walang inang umiiyak, amang inatake sa puso, kapatid na namundok, mag-boypren-gerlpren, mag-ama, mag-inang gerilya

Walang tula, awit, sine, telebisyon, komiks, nobela, kwento, dula, aklat, ni bulong

Walang isip, puso, damdamin, karangalan, pagkatao, bayan, kalayaan, karapatan, katinuan na dinurog ng batas militar

Walang wala talaga, dahil maaayos naman ang Pilipinas noong Panahon ng Martial Law

(Setyembre 22, 2014)

Comments

Comment