via Harvey Keh
Dear Atty. Edwin,
Tumaya at nangampanya ako para kay P-Noy! Pero aaminin kong meron akong interes na gustong isulong sa pagvo-volunteer sa kanya-ang makakita ng tunay na pagbabago sa gobyernong papalit kay GMA na kinasuklaman ko ng over. ‘Di na dapat maulit!
Ngayon panalo na si P-noy at boksingan na para sa mga posisyon. Kaya nga ako tumaya para may karapatan akong magsalita at tungkuling magbantay! Kahit na anong galing at kahit gaano kakailangan ni P-Noy ang serbisyo ng mga pinakamalalapit na kaibigan, kaklase o pamilya, dapat sila na mismo ang magparaya para makapasok ang mga sariwang mukha ng pagbaBAGO! Bagong dugong may kaalaman, eksperyensya at integridad. Sa pag-ikot ko, nakasalamuha ko ang napakaraming Pilipinong marangal at handang maglingkod kaso ‘di mga makakapal ang mukhang makipagbrasuhan sa posisyon.
Sa interview sa akin ng GMA tungkol dito ay iniwasan kong magbigay ng mga pangalan. Pero nasa isip ko na nuon ang mga Abad, Montelibano, at Juico.
Imbes ay pinili kong magpangalan sa isang artikulo ni Joy Aceron sa Facebook kung saan binanggit ko ang pangalan ng mga Abad dahil sila ay derechong makakabasa ng comment ko. Hindi ako kailanman nagalit sa mga Abad! Sinabi ko doon na sana ‘di naman mga pamilya ang nasa gobyerno gaano pa man sila kagagaling at kakailangan. Pwede din silang tumanggi!
Nakupo! Pinutakti na ako ng pangungutya ng mga tao ni P-Noy sa Facebook sa pangunguna ni Spokesperson Edwin Lacierda. Bakit daw galit ako sa mga Abad? Gusto daw nyang marinig ang punto ko pero ang pinakamatinong maibibigay nyang comment sa akin ay naiinggit lang daw ako! Sinabi ng writer ng presidente na masahol pa daw ako sa mga trapong kinasusuklaman ko! At sabi naman ng taga new media na mahusay mag inggles na ako daw ay isang weasel. Pinagtanong ko pa ang ibig sabihin ng weasel dahil ang alam ko lang ay hayop yun! Tinatawag palang weasel ang taong tumitira ng patalikod!
Pinagtatanggol lang daw ni Lacierda ang kanyang kaibigan. Usapin ito ng mga prinsipyo para sa tunay na pagbabago! Hindi ito kampihan!
Dahil sa aking pagsasalita, nagalit ang mga tao ni P-Noy sa akin. Ito ba ang uri ng mga taong nakapaligid sa kanya? ‘Di makuha ang isyung pinag-uusapan? At nagkakampihan?
Kami sa Pinoy Power ang humingingmakipag-usap sa kanila kung saan si Lacierda ay tahasang tumanggi! ‘Di na daw kailangang makipag-kape! Ganun? Kasi volunteer lang ako? Kasi sila naman ang nasa pwesto? Kasi takot siyang humarap dahil nagkamali sya sa banat nya sa akin ng patalikod? Dahil ‘di sya dapat bumitaw ng ganung mapagparatang na salita dahil spokesperson sya ni P-Noy? Walang b____? Gusto kong malaman!
Sa proclamation nag-abot ang aming mga tingin. Inabot ko ang aking kamay sa kanya at sabi ko, “Edwin magkape tayo.” Pautal syang umoo sa akin.
Tagapagsalita ka ng pangulo ng Pilipinas. Ako nagpaparating ng sentimyento ng taumbayan. Bakit ka galit sa akin?
Ganunpaman, ang anumang gusot ay dapat na napag-uusapan. Kaya ko yun Edwin. Dapat kaya mo rin! Kaya mo ba? Usap tayo!
Para sa bayan at mamamayan,
Mae Paner aka Juana Change