sinisintang kalayaan

sinta kong tula
ni tomas agulto

1.

ngayon

iisa tayong kaganapan
kabalbalan ang paghihintay
kahibangan ang paghahanda

kahangalan ang kailanman

ang lahat
ang lahat-lahat ay mga kaganapang
luwal ng mga haka-haka
ng nagkikiskisang pag-aakala
at kompetisyon ng pagnanasa

ang aking puson
ang iyong puso
ay muchacha’t muchacho lamang
ng organismong lumikha
ng anatomiyang katedral
ng ating pag-iisip at emosyon

kinakaray ang ating kaluluwa

sa tore ng tukso at tuwa
sa kaban ng sakripisyo at pighati
sa tipan ng sarap at pagsisisi
saksi ang pumapaimbulog na diwa’t katunggakan

likas sa mga selula ng utak
ang pagkislot ng mga tendensiyang
nanunulay sa kawad ng ating ispiritwalidad

bungang isip lamang ang numero
at pamahiin ang segundo
sa mitolohiya ng araw gabi at buwan

sa alinmang planeta

walang panahong may tandang pananong
kuwit tuldok o pangatnig ang taon
walang pintuang naghihilik o nakanganga

isang bangungot ang bugtong ng cosmos

walang silangan walang kanluran
walang hilaga o katimugan
walang kanan walang kaliwa

hindi totoong lumulubog
ang araw

ang katotohana’y
kapwa-tawad tayong iiwan ng mikrobyong amoral
na ang tanging batas ay paglikha

yakapin mo ako
sinta kong tula
lalangin natin ang sariling tadhana
patuloy tayong umakda
ng matitimyas na alaala.

2.

nasaan ka sinta kong tula?

nakangingilong pangungulila
ang paghahanap ko’t paghabol
sa iyong anino sa mga iskinita
kalyehon kariton at bundok ng basura

naninibugho ako
sa papalayo mong bakas
habol ang mga sugatang mandirigma
mga aninong sinawing palad
mahahalas na mangingisda
galising mangyan o sugatang dumagat

3.

baka ito na

nga ako

naaamoy ko na ang basahan

di na maipagsasanggalang ng aking damit
ang sugat ng aking kaluluwa sa mga mikrobyong
ginawang katedral ang aking katawan

paano nagkaanyo ang ispirito
ng krusipihong nakasakbit
sa aking leeg

walang simbolo ang pamimighati

sana’y hindi na ito pag-aakala

hubaran mo ako
sinta kong tula

ipahid mo sa akin ang langis
ng ispiritong mula sa kaibuturan
ng iyong puson

himasin
nang walang humpay

hagkan
upang dumalisay ang pagtitika

Comments

  1. peark fontilla

    Ka Tomas, kaibigan… sana matuto akong tumula kahit singliit ng
    kuko mo, kahit tanggalin ng nipper ang pagsubok ko.

    Ang utak ko ay chopsuey ng mga wika – nag aagawan ang English, Cebuano, Ilokano, Ilonggo, Tagalog, minsan sumisingit pa ang Pampango at Maguindanao.

    Pathetic. Tagpi-tagpi, barong barong na lenguahe ang nakadikit sa
    utak ko pero ang damdamin ay isa pa rin.

    The last 9 lines in your poem are worth memorizing!

Comment