Panatang Makabayan

ni Lualhati Bautista

Iniibig ko ang Pilipinas
Ito ang aking bayang sinilangan
Iginagalang ko ang aking ina
Na lagi mong pinuputang ina, gunggong ka!

Kinupkop ng bayang ito ang aking ama at pinalaking
matalino at malakas
Hindi kagaya mo na puro yung ari niya
ang ipinangangahas

Bilang ganti
susundin ko ang payo ng aking kunsensiya
At sinasabi nito na sa lahat ng panahon
Dapat akong gising at nagpapasiya
Nagtatrabaho at hindi natutulog maghapon

Susundin ko ang mga tuntunin ng
pagkamakatao
Na hindi limitado sa mga kaalyado
Kundi sinasakop ang lahat ng mamamayan
ng bayan ko

Tutuparin ko ang mga tungkulin ng
isang nagmamahal sa kapayapaan
At hindi nag-eengganyo sa mga kaibigan
Na barilin sa ari ang mga kalaban

Paglilingkuran ko at hinding-hindi ibabaon
sa utang
ang aking bayan
Lalong hindi ibebenta sa mga dayuhan
Ang dagat, lupa at kalayaan

Mananatili akong may dignidad at moralidad
Na tangi kong ambag sa bayan ko
Ako’y magiging tunay na Pilipino
At tutulong para ang mga saling-lahi
ay hinding-hindi tutulad sa ‘yo.

Comment